Thursday, June 21, 2012

Charles

Ito na ang huli… Tiningnan ko ang kanyang mga mata, ang kanyang mga labi na pilit na ngumingiti. Hinaplos ko ang kanyang mahabang buhok, pinigil nya ito at hinawakan ang aking kamay. “I cannot do this anymore…We have to stop…” Sabi nya sa akin. “My mind understands but my heart won’t comprehend.” Ngumiti ako para itago ang lungkot sa aking mukha. Tahimik… Tahimik kaming kumain ng hapunan sa isang walang katao-taong restoran, tamang tama ang pagkakataon sapagkat privacy ang kailangan naming dalawa. Habang kumakain ay tinitingnan ko sya, at sa bawat subo nya ay tila unti-unting bumabalik sa akin ang lahat… Nang kinakailangan ko ng karamay sa mga problemang hindi ko maibulalas sa aking mga magulang ay dumating sya. Sa isang Bookstore sa lungsod ng San Jose, Nueva Ecija kami nagkakilala. Bumibili ako ng libro noon, nang nakita ko na ang aking hinahanap ay pinuntahan ko ito sa shelf, at nag-kataon namang iyon din ang librong nais nyang bilhin,iisang kopya yung nahawakan namin sa dinami-dami ng kopya ng librong iyon sa shelf, parang isang eksena sa pelikula na nagkalapit ang aming mga kamay at bahagyang nagkahiyaan. Napakaganda niya, ang kanyang mga mata ay tila pukyutan sa kinang na binagayan naman ng kanyang mapupulang labi, isang perpektong mukha na kahit si Cleopatra ay mahihiya. Nakita ko na lang ang aking sarili na nagpapakilala na sa kanya. “Gusto mo rin pala si Exuperry?” Simula ko ng usapan. “ Oo maganda kasi ang moral ng novel nya…” sagot nya sa akin. “Hi, ako nga pala si Charles” pakilala ko sa kanya. “I’m Lydia…nice to meet you” Ngumiti sya sa akin at naglahad ng kamay. “Naglunch ka na ba, sabay tayo…my treat…”Aya ko sa kanya, tila naging presko ata ako noon na di ko naman nagawa sa ibang mga babae. “We’ve just met…” komento nya, napreskohan nga sya sa akin. “Sometimes it’s nice to be with someone that you just met…Para magkaroon ka ng bagong kaibigan.” Ngumiti ako, gagana kaya ang sales talk ko, sa isip-isip ko. At kumain kaming dalawa, ni hindi ko man lamang tinanong kung may boyfriend na sya, baka mamaya e may bumugbog na lang sa akin. Nagkwentuhan tungkol sa pamilya ng isa’t-isa., sa buhay ng isa’t-isa at nagbigayan ng numero ng telepono. Sa text kami nagligawan at sinagot nya ako. Ako ay taga-Lupao sya naman ay Isabela, ang layo ng aming pagitan. Kapag may oras kami ay nagkikita naman kami sa Cabanatuan at duon nagdadate. Medyo kakaiba rin an gaming relasyon dahil hindi kami nagtatago ng larawan ng isa’t-isa kahit sa cell phone. “ Hayaan mo na lang na nakatatak ang itsura ko sa puso mo…” Iyon ang sabi nya sa akin, may pagkaromantic sya na di ko matanto… Sa mga katrabaho ko, ang tingin nila sa akin ay lalaking birhen, may gatas pa sa labi at hinayaan ko na lang ang imaheng ito. Inosente daw ako, yun ang ipinakita ko sa loob ng tatlong taon na magkasama kami, sa mata ng iba ay wala akong girlfriend at kahit kailan ay hindi ako nagkaroon ng girlfriend. Pero ang totoo ay pangalawa na si Lydia sa naging kasintahan ko, ang una sa tingin ko ay di ako seryoso at bata pa ako pero si Lydia…seryoso ako, seryoso ako para sundin ang kakaiba nyang ritwal sa aming relasyon na sa iba ay naweweirdohan o magkakaroon ng pagdududa. Kung mahal mo ang isang tao ay dapat na intindihin mo ang kalakasan at kahinaan nya at tanggapin iyon, ganon ang ginawa ko… Sa isang date namin ay nakahiga kaming dalawa sa kama, at napag-usapan namin ang aming mga pangarap…napag-alaman kong nag-apply sya sa Dubai bilang staff sa isang hotel, nagalit ako sapagkat di man lamang nya ito kinunsulta sa akin, nagkaroon kami ng matinding pagtatalo. Ayoko syang umalis, naging makasarili ako… Dalawang linggo kaming di nag-usap, sa ikatlong lingo nagparamdam naman sya sa akin, kaya lang quotation lang pinadala nya, nagreply ako di na sya sumagot, ang tatlong linggo ay naging isang buwan, dalawang buwan, ako na ang di nakatiis, tinawagan ko sya, alang sumasagot…inulit-ulit ko ang pagdial ng telepono, ala pa ring sumasagot hanggang sa low-bat na ako. Pebrero…buwan ng mga puso, napakasakit na sa Valentines day ay wala ka manlang mapadalan ng roses…pero hindi naman kami nagcecelebrate ng Valentines day…kasi di naman kami nagkikita ng ganung araw…kaya lang puro ligawan, pag-iibigan ang nasa paligid ko na para bang nang-iinis, beeeh ala kang kasama ngayon, inggit ka ano? Parang ganoon ang sinasabi ng mga taong nakikita ko… Pebrero 24, nakatanggap ako ng tawag mula sa kanya, muling nabuhay ang puso ko na tila nadehydrated sa sobrang love na nakikita ko…Nagyaya siya ng date, at mabilis pa sa alas kwatro ay pinuntahan ko ang nanay ko na nakikipagtsismisan sa labas at nagpaalam, naligo ako at nagbihis… At heto na kami ngayon, kumakain…ang pag-asa ko na magkakaayos kami ay lumalabo na… “So I guess this is goodbye?” Sinabi ko ulit upang pukawin ang kanyang atensyon. “I believe so…but before this day ends…” Dahan dahan syang dumukwang ng halik, at hinalikan ko naman sya pabalik. Nakita na lang namin ang aming mga sarili sa isang silid, magkatabi at unti-unting naglapit ang aming mga kamay, muli na pinagningas ang mga damdaming naapula… Ninamnam ang bawat sandali, hinayaang ang puso ang magdikta at naging tanga muna panandalian Sapagkat… Ito na ang huli… Pagkatapos nito ay aalis na sya patungong Dubai at di na kami magkikita… Ito na ang huli…

No comments:

Post a Comment