Hatinggabi na…ngunit di ko pa rin maiwaksi ang sakit na aking nadarama. Nagpunta ako dito para makalimot pero bakit kahit anong gawin ko ay pilit pa ring bumabalik ang mga ala-ala.
Pantabangan, Nueva Ecija…Mula sa magulong lugar ng Maynila ay dinayo ko ang lugar na ito upang makalimot. Maihahalintulad ko ang aking byahe sa pakikipagbuno kay kamatayan sapagkat kaunting pagkakamali lamang sa aking pagmamaneho ay siguradong pagkasawi ang aking kahahantungan dahil sa mga matatarik na mga bangin.
Sa kabilang banda naman ay nalilibang ang aking mga mata sa mga tanawing aking nadaraanan,gaya ng mga malalawak na taniman, matatayog na mga puno, at matataas na mga bundok na naadornohan ng luntiang mga damo, iba’t-ibang makukulay na mga ligaw na bulaklak at mga naglalakihang mga bato kaya’t kahit papaano ay napapawi ang aking pangamba.
Malapit na ako sa aking patutunguhan…unti-unti nang humihina ang signal ng aking cellphone. Sa arko daw ng Pantabangan ako inaabangan ni Gelay. Angela Estabillo, isa sya sa aking kamag-aral noong ako ay nasa kolehiyo. Ang palangiti at tahimik naming kaklase na palaging may baong camera sa mga okasyon. Ilang saglit pa ay narating ko rin ang arko ng Pantabangan. Itinabi ko ang sasakyan at ako ay bumaba upang hanapin si Gelay.Nakita ko siya, ibang-iba sa Gelay na kilala naming noong kolehiyo;humaba na ang kanyang buhok, at kakikitaan mo na ngayon ng tiwala sa kanyang sarili, ang kanyang kulay ay pumusyaw,singkit pa rin at palangiti.
“Gelay! Aba sumeksi kang lalo ah…”Pagbati ko sa kanya.
“Julio!Kumusta na? Ang tagal mo ha, kanina pa sila Michael sa bahay.” Nakangiting tumugon si Gelay. “Dati na kong seksi no…”
Sumakay kami ng kotse at duon pinagpatuloy an gaming pag-uusap.
“Long time no see ha?” Nilingon ko ng bahagya si Gelay.
“Anim na taon na kaya noong huling dalaw nyo rito.” May lungkot sa tono ng boses niya.
“Bakit? May problema ba?” Agad kong tinanong.
“Kasi inaasahan ko marami ang pupunta pero sa last minute nagback-out sila.” Pagsusumbong nya sa akin.
“Intindihin na lang natin sila…”Tugon ko sa kanya pero sa daan pa rin ang aking tingin. “Saan dito yung bahay nyo?
“Diyan sa kantong iyan lumiko ka…”Pagtuturo ni Gelay sa isang kanto na may pulang arko at nakasulat ang Priority Village.” Kasi naman sa three hundred sixtyfive days ng taong ito, hinihingi lang naman natin ay dalawang araw hindi pa nila maibigay.” May panghihinayang sa tono ni Gelay.
“May punto ka don, kung gusto nga naman ay may paraan— .”naputol ang aking sasabihin ng pinahinto na ako ni Gelay sapagkat dumating na kami sa bahay nila.
Marami na ang pinagbago ng bahay nila Gelay, noon iba ang kulay nito at walang garahe, ngayon ay mas lalo pa itong gumanda. Sa loob naghihintay ang tatlo pang pamilyar na mukha. Si Michael na noon ay tahimik ngunit matalino sa matematika, sya ata ang nagsalba sa akin kapag exam. Mahiyain sya noon at napakabait, para bang isang bata na napakamasunurin.Medyo gumanda ang tikas ng kanyang katawan at pumuti rin sya, mula sa mukhang totoy noon ay mama na ngayon.
“Oy late ka ha maglilibre ka ng lunch” bati ni Michael sa akin.
“ Sya nga, kailangan yung masarap ha.” Sabad naman ni Charles.
Si Charles naman ang pinakamatangkad sa kanilang tatlo, di maintindihan ang ugali at hilig ni Charles, para syang bata noon na mahilig sa mga cartoons. Sentimental na tao sapagkat marami syang ibinibigay noon na mga remembrance sa amin. Tumaba na siya, at nakasalamin na, dati kasi ayaw nyang magsalamin kahit malabo na ang kanyang mga mata.
“May Leche flan dapat…” Sabi naman ni Luis.
Si Luis naman ang tipo ng taong pampulitika ang dating, ang kanilang angkan sa kanilang probinsya ay kilalang mga may kaya sa buhay. Dati mataba na sya ngunit ngayon ay dumoble ang kanyang timbang. Siya ay isang magaling na lider at may talento sa pampublikong pananalita.
“Long time no see guys!” Bati ko sa kanilang tatlo.
“Long time ba yun, noong isang Linggo lang e nanduon ka sa bahay.” Pagbubuko ni Luis.
“O sya tama na yan kasi mukhang gutom na kayo, kain na tayo, inihanda na ni nanay ang mesa” winika naman ni Gelay.
“Teka kulang pa tayo ala pa si Marcos tsaka yung girlfriend nya.” Naalala kong bigla ang isa pa naming kaklase na nagsabing pupunta rin.
“Nagtext na sila sa akin mamaya ay aabangan ko na lang uli sila sa arko.” Sagot naman ni Gelay. “kumain na kayo.”
Ilang saglit pa ay dumating naman ang barkada ni Gelay dito sa Pantabangan at ipinakilala sa amin. Dumating na rin ang aming hinihintay na sila Marcos at Mercy, ang kanyang kasintahan.
Sabay sabay kaming pumunta sa resort na aming tutuluyan. Doon sa resort tumambad sa amin ang mga mayayabong na puno ng pino at ang magandang tanawin ng Pantabangan dam na para bang lawa ng Taal. Maihahambing ko ang itsura ng lugar sa Baguio na hinaluan ng Tagaytay, sadyang napakaganda at tahimik.
Kuha ng picture dito, kuha doon, tawanan at kwentuhan. Hindi na nga naming naasikasong magswimming dahil tila ba kami nasabik sa mga kwento ng isa’t-isa.
Sa paglalim ng gabi, napagod din sila Charles at Luis sa paggawa ng kung ano-anong kalokohan,si Michael naman sa kanyang pagmumukmok, si Gelay sa pagaasikaso sa amin at si Marcos naman sa pakikipaglambingan sa kanyang kasintahan. Nakatulog na ang lahat pwera lamang sa akin.
Kasintahan…bumabalik nanaman sa aking alaala si Diana ang babaeng inikutan ng aking daigdig sa loob ng limang taon. Wala na kami, isang lingo pa lamang ang nakakalipas, wala na kami…hindi ko pa matanggap…
Bakit kaya nagkaganoon, ibinigay ko naman ang lahat sa kanya ngunit hindi pa ba sapat iyon? Masyado daw akong naging supportive sabi ni Gelay. Parang ako pa daw ang nag-udyok para mangyari ito biro naman ni Charles kasi naikwento ko na ako ang nakahanap ng trabaho na iyon para sa kanya.
Sa Balanga, Bataan nagkaroon ng trabaho si Diane bilang isang guro sa kolehiyo. Maynila pa rin ang trabaho ko bilang Callcenter agent, permanent na ako at sapat na ang kinikita ko. Nakita ko ang ad sa internet na nangangailangan daw ang Bataan Peninsula State University ng guro sa Kimika, agad ko namang sinabi ito sa kanya.
Inayos naming ang lahat mula sa kaliliit-liitang mga papeles at natanggap si Diane. Ayoko sanang mawalay siya sa akin ngunit alang-alang sa kanyang pangarap at sa kanyang pamilya, tiniis ko ang pangungulila sa kanya. Kapag di ko na kaya ay dinarayo ko ang Bataan para lamang magkasama kami. Sa loob ng apat na taon ganito ang sitwasyon naming, text, tawag, dalaw minsan.
Ngunit habang tumatagal ay nadarama ko na unti-unti na syang nanlalamig sa akin, tila ba kung minsan lagi na lang nya akong kinakikitaan ng mali at nababalewala ang lahat ng mga mabuti.
Sabi ni Michael, kapag ganoon daw ay may pinagkukumparahan nang iba ang kasintahan sapagkat nakikita na nya ang mali, therefore daw may nagpapakita sa kanya ng mabuti, may nanliligaw o nanunulot na daw sa kanya.
Tama naman ang sinabi nya, sana noon pa nasabi ni Michael ito pero kahit naman malaman ko siguro o magduda ako e mas mananaig pa rin ang pagmamahal ko kay Diana. Sa katunayan nga ay nakabili na ako ng lote at naghahanda na rin akong magpatayo ng bahay doon na pagsisimulan ng aking magiging pamilya. Nakahanda na ang lahat, naka-ipon na sa bangko ang perang maari naming gamitin kung magpapakasal na kami, wala ng problema…yun ang aking akala.
Pumasok sa eksena si Anthony, isa sa co-teacher ni Diana na nahihingahan nya ng sama ng loob at sa aking palagay ay may gusto sa kanya. Ipinakilala sya sa akin ni Diana bilang kaibigan, simula noon naging seloso ako lalo na ng dumalang na ang kanyang pagtetext sa akin at kung minsan ay ayaw nya akong padalawin ng Bataan, madalas nga nagkakasagutan pa kami sa phone pero ako din ang sumusuko. Hanggang sa puntong inamin na sa akin ni Diana na nahulog na ang kanyang loob kay Anthony at tinapos ang lahat sa amin…Hindi ko ito matanggap, dumating sa punto na hindi ako makakain at naospital pa ako dahil sa depresyon. Hindi pa rin ako sumuko, pinilit ko pa ring isalba ang aming relasyon pinuntahan ko sya sa Bataan.
Nakarating ako sa kanilang tinutuluyan, hindi ko alam ang aking gagawin, sa init ng araw nag-antay ako sa labas ng gate, ayokong pindutin ang doorbell dahil di ko alam ang aking sasabihin hanggang sa may lumabas ng gate at saktong si Diana yun.
Inaya ko syang lumabas at pumayag siya, nanood kami ng sine at nag-usap…wala na talaga, iba na ang nadarama nya para sa akin…ramdam na ramdam ko iyon…masakit pero kailangan ko na sigurong tanggapin. Ihahatid ko na sana sya ngunit pinahinto nya ang sasakyan at nagsabing magjejeep na lang. Bumaba ako para ihatid sya, habang papalayo sya sa akin ay di ko napigilan ang pagtulo ng luha sa aking mga mata. Naiyak na ako kahit na pinipilit kong ngumiti para sa kanya, nilingon nya ako at sya ay ngumiti rin ngunit napansin kong na nangingilid na rin ang mga luha nya. Pinanood ko ang pagsakay nya sa Jeep na tila ba dahan-dahan…para bang nagsasabi ang oras na dapat mo nang namnamin ang mga sandali sapagkat ito na ang huli.
Ala-una na ng madaling araw napatingin ako sa tubig, pinulot ko ang isang bato at inihagis iyon. Sana ang nadarama ko ay tulad ng bato na kapag inihagis mo satubig ay lulubog na sa kailaliman, ngunit hindi bato ang puso ko, hindi ito maaring ihagis sa dam. Hindi ko rin kayang itapon agad-agad ang limang taon ng aming pagsasama. Masakit para sa akin pero pasasaan ba at makakalimot din ako, pasasaan ba at makakatawa, makakangiti, makakahalakhak din ako ng totoo…di tulad ngayon na ang aking mga ngiti ay may bahid ng kalungkutan…
No comments:
Post a Comment