Saturday, June 22, 2013

Pagsusuri gamit ang pagdulog Humanismo

Kwento ni Mabuti

Genoveva Edroza-Matute

Hindi ko na siya nakikita ngayon. Ngunit sinasabi nilang naroon pa siya sa dating pinagtuturuan, sa luma at walang pintang paaralang una kong kinakitaan sa kanya. Sa isa sa mga lumang silid sa ikalawang palapag, sa itaas ng lumang hagdang umiingit sa bawat hakbang, doon sa kung manunungawa’y matatanaw ang maitim na tubig ng isang estero, naroroon pa siya’t nagtuturo
ng mga kaalamang pang-aklat – at bumubuhay ng isang uri ng karunungang sa kanya ko lamang natutuhan.
Lagi ko siyang inuugnay sa kariktan ng buhay. Saan mang may kagandahan; sa isang tanawin,  sa isang isipan o sa isang tunog kaya, nakikita ko siya at ako’y lumiligaya. Ngunit walang ano mang maganda sa kanyang anyo at sa kanyang buhay.
Siya ay isa sa pinakakaraniwang guro roon. Walang sino mang nag-ukol sa kanya ng pansin. Mula sa kanyang pananamit hanggang sa paraan ng pagdadala niya ng mga pananagutan sa paaralan, walang masasabing ano mang di-pangkaraniwan sa kanya.
Siya’y tinatawag naming lahat na si Mabuti kung siya’y nakatalikod.
Ang salitang iyon ang bukambibig niya. Iyon ang pumapalit sa mga salitang hindi niya maalala kung
minsan, at nagiging pamuno sa mga sandali ng pag-aalanganin. Ang isang paraang hindi malirip, iyon ay nagiging salaminan ng uri ng paniniwala niya sa buhay.
“Mabuti,” ang sabi niya, “…ngayo’y magsisimula tayo sa araling ito. Mabuti nama’t umabot tayo sa bahaging ito… Mabuti… mabuti!”
Hindi ako kailanman magtatapat sa kanya ng ano man kundi lamang nahuli niya ako minsang lumuha:nang hapong iyo’y iniluluha ng bata kong puso ang isang pambata ring suliranin.
Noo’y magtatakipsilim na at maliban sa pabugsu-bugsong hiyawan ng mga nagsisipanood sa pagsasanay ng mga manlalaro ng paaralan, ang buong paligid ay tahimik na. Sa isang tagong sulok ng silid-aklatan, pinilit kong sulatin ang aking suliranin sa pagluha. Doon niya ako natagpuan.
“Mabuti’t may tao rito,” ang wika niyang ikinukubli ang pag-aagam-agam sa tinig. “Tila may suliranin ka… mabuti sana kung makakatulong ako”.
Ibig kong tumakas sa kanya at huwag nang bumalik pa kailanman. Sa bata kong kahihiyan at kaabaan ang pagkikita pa naming muli sa hinaharap, pagkikitang magbabalik sa gunita ng hapong iyon. Ngunit hindi ako nakakilos sa sinabi niya pagkatapos. Napatda ako at napaupong bigla sa katapat na luklukan.
“Hindi ko alam na may tao rin dito… naparito ako upang umiyak din.”
Hindi ako nakapangusap sa katapatang naulinigan ko sa kanyang tinig. Nakababa ang kanyang paningin sa aking kandungan. Mayamaya pa’y nakita ko na ang bahagyang ngiti sa kanyang labi.
Tinanganan niya ang aking kamay at narinig ko na lamang ang tinig ko sa pagtatapat ng suliraning sa palagay ko noo’y siya nang pinakamabigat. Nakinig siya sa akin, at ngayon, sa paglingon sa pangyayaring ito’y nagtataka ako kung paanong napigil niya ang paghalakhak sa ganoong kamusmos na bagay. Ngunit siya’y nakinig nang buong pagkaunawa, at alam kong ang pagmamalasakit niya’y tunay na matapat.
Lumabas kaming magkasabay sa paaralan. Ang panulukang naghihiwalay sa amin ay natatanaw na nang bigla akong makaalala.
“Siyanga pala, Ma’am, kayo? Kayo nga pala? Ano ho iyong ipinunta ninyo sa sulok na iyon na….. iniiyakan ko?”
Tumawa siya ng marahan at inulit ang mga salitang iyon: “ang sulok na iyon na………iniyakan natin…nating dalawa.” Nawala ang marahang halakhak sa kanyang tinig “Sana’y masasabi ko sa iyo, ngunit… ang suliranin ko’y hindi pa ra sa mga bata pang gaya mo. Mabuti sana’y hindi maging iyo ang ganoong uri ng suliranin… kailanman. Ang ibig kong sabihi’y maging higit na mabuti sana sa iyo ang…. buhay.”

Si Mabuti’y naging isang bagong nilikha sa akin mula ng araw na iyon. Sa pagsasalita niya mula sa hapag, nagtatanong, sumasagot, sa pangiti niya ng mabagal at mahihiyain niyang mga ngiti sa amin, sa paglalim ng kunot sa noo niya sa kanyang pagkayamot, narinig kong muli ang mga yabag na papalapit sa sulok na iyon ng silid-aklatan. Ang sulok na iyon na…… “iniiyakan natin,” ang sabi niya ng hapong iyon. At habang tumataginting sa silid namin ang kanyang tinig sa pagtuturo’y hinuhulaan ko ang dahilan ng pagtungo niya sa sulok na iyon ng silid-aklatan. Hinuhulaan ko kung nagtutungo pa siya roon, sa sulok na iyon… naming dalawa.
At sapagkat natuklasan ko ang katotohanang iyo tungkol sa kanya, nagsimula akong magmasid, maghintay ng mga bakas ng kapaitan sa kanyang sinasabi. Ngunit sa tuwina, kasayahan, pananalig, pag-asa, ang taglay niya sa aming silid-aralan. Pinuno niya ng maririkit na guniguni ang aming isipan at ng mga kaaya-ayang tunog ang aming pandinig at natutuhan naming unti-unti ang kagandahan ng buhay. Bawat aralin namin sa panitikan ay naging isang pagtighaw sa kauhawan naming sa kagandahan. At ako’y humanga.
Wala iyon doon kangina, ang masasabi ko sa sarili pagkatapos na maipadama niya sa amin ang kagandahan ng buhay sa aming aralin. At hindi naging akin ang pagtuklas na ito sa kariktan kundi pagkatapos na lamang ng pangyayaring iyon sa silid-aklatan.
Ang pananalig niya sa kalooban ng Maykapal, sa sangkatauhan, sa lahat na, ay isa sa pinakamatibay sa aking nakilala. Nakasasaling ng damdamin. Marahil ang pananalig niyang iyon ang nagpakita sa kanya ng kagandahan sa mga bagay na karaniwan lamang sa amin. Iyon marahil ang nagpataginting sa kanyang tinig sa pagbibigay-kahulugan sa mga bagay na para sa ami’y walang kabuluhan.
Hindi siya bumanggit ng ano man tungkol sa kanyang sarili sa buong panahon ng pag-aaral namin sa kanya. Ngunit bumanggit siya tungkol sa kanyang anak na babae, sa tangi niyang anak… nang paulit-ulit. Hindi rin siya bumanggit sa amin kailan man tungkol sa ama ng batang iyon. Ngunit dalawa sa mga kamag-aral namin ang nakababatid na siya’y hindi balo.
Walang pag-aalinlangan ang lahat ng maririkit niyang pangarap ay nakapaligid sa batang iyon. Isinalaysay niya sa amin ang katabilan niyon, ang palaki nang palaking mga pangarap niyon, ang nabubuong layunin niyon sa buhay. Minsan, tila hindi namamalayang nakapagpahayag ang aming guro ng isang pangamba: ang pagkatakot niyang baka siya hindi umabot sa matatayog na pangarap ng kanyang anak. Maliban sa kanyang anak ay isa lamang sa mga bagay na “pinagtitiisang’ pakinggan sapagkat walang paraang maiwasan iyon. Sa akin, ang bawat pagbanggit na iyo’y
nagkaroon ng bagong kahulugan sapagkat noon pa ma’y nabubuo na sa aking isipan ang isang hinala.
Sa kanyang mga pagsasalaysay ay nalaman namin ang tungkol sa kaarawan ng kanyang anak, ang bagong kasuotan niyong may malaking lasong pula sa baywang, ang mga kaibigan niyong mga bata rin, ang kanilang mga handog.  Ang anak niya’y anim na taong gulang na. Sa susunod na tao’y magsisimula na iyong mag-aral. At ibig ng guro naming maging manggagamot ang kanyang anak-at isang mabuting manggagamot. Nasa bahaging iyon ang pagsasalita ang aming guro nang ang isa sa mga batang lalaki sa aking likuran ay bumubulong: “Gaya ng kanyang ama!”
Narinig ng aming guro ang sinabing iyon ng batang lalaki: At siya’y nagsalita.
“Oo gaya nga ng kanyang ama,” ang wika niya. Ngunit tumakas ang dugo sa kanyang mukha
habang sumisilay ang isang pilit na ngiti sa kanyang labi.
Iyon ang una at huling pagbanggit sa aming klase tungkol sa ama ng batang may kaarawan. Natiyak ko noong may isang bagay ngang nalisya sa buhay niya. Nalisya nang ganoon na lamang. At habang nakaupo ako sa aking luklukan, may dalawang dipa lamang ang layo sa kanya upang tanganan ang kanyang mga kamay gaya ng ginawa niya nang hapong iyon sa sulok ng silidaklatan, at hilinging magbukas ng dibdib, sa akin. Marahil makagagaan sa kaniyang damdamin kung may mapagtatapatan siyang tao lamang. Ngunit ang sumupil sa pagnanasa kong yaon: ang mga kamag-aral kong nakikinig nang walang ano mang malasakit sa kanyang sinabi, “Oo, gaya nga ng kanyang ama,” habang tumatakas ang dugo sa kanyang mukha.
Pagkatapos may sinabi siyang hindi ko malilimutan kailan man. Tiningnan niya akong buong tapang na pinipigil ang panginginig ng mga labi at sinabi ang ganito: “Mabuti….mabuti!” Gaya ng sasabihin nitong si Fe – iyon lamang nakararanas ng lihim na kalungkutan ang maaring makakilala ng mga lihim na kaligayahan. Mabuti at ngayon, magsisimula tayo sa ating aralin…”
Natiyak ko noon, gaya ng pagkakatiyak ko ngayon, na hindi akin ang pangungusap na iyon, ni sa aking mga pagsasalita, ni sa aking pagsusulat. Ngunit samantalang nakatitig siya sa akin ng umagang iyon, habang sinasabi niya ang pangungusap na iyon, nadama kong siya at ako ay iisa. At kami ay bahagi ng mga nilalang na sapagkat nakakaranas ng lihim na kalungkutan ay nakakikilala ng mga lihim na kaligayahan….
At minsan pa, ng umagang iyon, habang unti-unting bumabalik ang dating kulay sa kanyang mukha, muli niyang ipinamalas sa amin ang mga natatagong kagandahan sa aralin namin sa Panitikan: ang kariktan ng katapangan, ang kariktan ng pagpapatuloy ano man ang kulay ng buhay.
At ngayon, ilang araw lamang ang nakaraan buhat ng mabalitaan ko ang tungkol sa pagpanaw ng manggagamot na iyon. Ang ama ng batang iyong marahil ay magiging isang manggagamot din balang araw, ay namatay may ilang araw lamang ngayon ang nakakalipas. Namatay at naburol ng dalawang araw at dalawang gabi sa isang bahay na hindi siyang tinitirhan ni Mabuti at ng kanyang anak. At naunawaan ko ang lahat. Sa hubad na katotohanang niyon at sa buong kalupitan niyo’y naunawaan ko ang lahat…


Pagpapahiwatig ang isang matingkad na katangian ng mga kuwento ni Genoveva Edroza Matute. Karaniwang magtutuon siya sa isa o dalawang tauhan, at sa mga tauhang ito ay lalaruin niya ang banghay at gusot ng kuwento. Ang pingas o puntos ng tauhan ay maaaring nasa kapasiyahan nito, at hindi dahil sa taglay na personal at panlabas na anyo. Sa mga matagumpay niyang kuwento, ang mga tauhan ay pumupukol ng mabibilis na salitaan, o nagsasalita sa guniguni, at ang mga kataga ay waring makapaglalagos sa kalooban ng mambabasa.  Sumasabay din ang mga kuwento ni Aling Bebang, palayaw ni Matute, sa mga kasalukuyang pangyayari na kung minsan ay nakalulugod at kung minsan ay nakaiinis, at kung ano man ang epekto nito sa mambabasa’y mauugat sa lalim ng pagkaunawa ng manunulat sa kaniyang pinapaksa.
Si Aling Bebang, ayon sa talambuhay na sinulat ni Gregorio C. Borlaza, ay bunso sa labindalawang magkakapatid, at supling nina Anastacio B. Edrosa at Maria Magdalena K. Dizon. Siyam ang namatay sa kaniyang mga kapatid, at karamihan ay wala pang isang taon ang itinagal sanhi ng pagkakasakit. Lumaki siya sa Tayuman-Oroquieta, malapit sa karerahan ng kabayo sa San Lazaro. Hindi naglaon ay nakitira siya sa kaniyang ale—na kapatid ng kaniyang ama—doon sa Felix Huertas, Maynila hanggang makatapos ng elementarya. Nag-aral siya sa Santa Clara Primary School (na magiging Gomez Elementary School) at Magdalena Elementary School, pagkaraan ay sa Manila North High School (na Arellano High School ngayon), nagkolehiyo sa Philippine Normal School (na Philippine Normal University ngayon), hanggang matapos ang masterado sa Filipino at doktorado sa edukasyon sa Unibersidad ng Santo Tomas.
Kontrobersiyal ang buhay ni Aling Bebang dahil malinaw ang kaniyang paninindigan sa pagsusulong wikang pambansa. Ang ganitong tindig ay maaaring sanhi ng kaniyang masaklap na karanasan noong nasa elementarya, na inilakip ni Borlaza sa talambuhay ni Aling Bebang:
Mabuti naman at mababait ang mga guro sa mga paaralang pinasukan ni Bebang, bagaman ang guro niya sa Unang Baitang ay may kakatuwang pamamalakad. Bawal na bawal noon ang pagsasalita ng Tagalog. Ang kanyang guro ay may malalim na bulsa sa saya (baro’t saya pa ang kasuotan ng mga gurong babae noon), na may lamang siling labuyo. Kapag may nahuli siyang mag-aaral na nagsasalita ng Tagalog ay dumudukot siya ng sili at pilit na ipinangunguya sa pobreng “nagkasala.” Sinasabitan din ng kartong may ganitong nakasulat: I was caught speaking the dialect.
Ang palakad na ito ay laganap noon sa buong Pilipinas. Hindi lamang Tagalog kundi lahat ng wikang pansarili ng iba’t ibang rehiyon ay ipinagbawal. Ito ay nanatili hanggang maging malaya na ang Pilipinas. Mabuti ang hangarin—upang matulungan ang mga mag-aaral na madaling matuto ng Ingles—subalit masama ang naging epekto sa damdaming makabansa ng mga Pilipino. Maliit pa siya’y naiisip na: “Biglang naipit sa desk ang paa ko. Siyempre, masasabi ko ang Aray! Ang lagay ba, iisipin ko muna ang tawag doon sa Ingles, at pagkatapos ng mahahabang sandali ay saka pa ako dadaing ng Ouch!”- www. wikipedia.com





1 comment: