Saturday, June 22, 2013

Buod ng isang Nobela

Luha ng Buwaya
(Buod ng Nobela)
Amado V. Hernandez
Kagagaling ni Bandong, guro sa Sampilong, sa opisina ng Superintendente sa kabisera ng lalawigan sapagkat tinagubilinan siyang manuparang pansamantalang prinsipal sa kanilang nayon samantalang nagbabakasyon ang talagang prinsipal, si Maestrong Putin. Dinalaw ni Bandong si Pina, ang pinakamagandang dalaga sa nayon at anak ni Mang Pablo na pangulo ng PTA at sinusuyo ni Bandong, upang makipagbalitaan at magpalipad-hangin ukol sa kanyang pag-ibig. Nalaman ni Bandong na may pabatares sa pagapas kinabukasan sina Mang Pablo. Sa gapasan, nagin masaya ang mga manggagapas kahit na lumabas si donya Leona Grande, ang may ari ng pinakamalawak na lupang sakahin sa Sampilong. Napakahigpit na kasama si donya Leona.
Nang ipaghanda sa bahay-asyenda ang dalawang anak ni donya Leona, si Jun na nagtapos ng medisina at si Ninet na nagtapos naman ng Parmasya, ang mga kasamang babae at lalaki ay hugos din sa bahay na bato sa pagtulong sa mga gawain at sa pagsisilbi sa mga panauhin. Naganap sa kasayahang ito ang kaguluhang kinasangkutan ni Andres, isang eskuwater na nakatira sa pook na tinaguriang Tambakan. Nagawi sa Sampilong si Andres mula sa Maynila noong panahon ng Hapones sa pagkat natandaang sinabi ng yumaong ina na may kamag-anakan sila sa Sampilong. Nang matapos ang digmaan, si Andres at ang kanyang mag-iina ay hindi na nagbalik pa sa Maynila.
Nakilala nang lubusan ni Bandong si Andres nang ipinapasok nito sa grade one ang anak na sampung taon. Inamuki ni Bandong si Andres na magtayo ng cottage industries sa kanilang pook ng mga eskuwater ngunit pagkatapos lamang na ayusin at linisin nila ang kanilang pook. Pumayag si Andres at ang mga eskuwater sa mungkahi ni Bandong.
Bumuo ng isang samahan ang mga magsasaka at si Bandong ang tagapayo nito. Isinumbong ni Dislaw, ang engkargado at badigard ni don Severo Grande, ang unyon ng mga magsasaka.
Ikinagalit iyon ni donya Leona lalo na nang tanggapin nito ang manipesto ng mga kahilingan ng mga magsasaka. Tumanggi si donya Leona sa mga kahingian ng mga magsasaka at ang mga ito naman at tumangging gumawa sa kanilang mga saka.
Samantala’y nalinis at naayos nina Andres ang pook ng mga eskuwater at tinawag nilang Bagong Nayon. Sa tulong ni Bandong, lumapit sila ni Andres sa Social Welfare Adminitration. Nakailak sila ng pondo mulsa sa mga kanayon at sinimulan nilang itayo ang kooperatiba ukol sa industriyang pantahanan.
Ngunit ang Bagong Nayon ay sinimulang kamkamin ni donya Leona. Pagkatapos kausapin ang huwes ng bayan, isinampa ng mga Grande ang habla at ang ginamit na tanging ebidensya ay isang lumang dokumento ng pagmamay-ari. Kinasapakat din ni donya Leona ang alakalde na pinsan ni don Severo at ang hepe ng pulisya na inaanak naman sa kasal ng mag-asawang Grande.
Lumaban ang mga eskuwater sa pamumuno ni Andres. Ang samahan ng mga magsasaka at ang kooperatiba ng mga eskuwater ay nagsanib at sa tulong ni Bandong, sila ay nakakuha sa Maynila ng isang abogadong naging kaibigan ni Bandong noong nag-aaral pa siya sa Maynila.
Sa isang pagkakataon, nakatagpo ni Andres si Ba Inten na pinakamatandang tao sa nayon. Sa Pagtatanong ni Andres sa matanda, natiyak ni Ba Inten na si Andres ay apo sa tuhod ng yumaong mabait na Kabisang Resong ng Sampilong. Mayaman sa Sampilong ang nuno ni Andres ngunit nang mamatay ito ay napasalin sa mga magulang ni donya Leona ang mga aring lupa nito. Nagawa ng mga Grande na palitawing ibinenta sa kanila ni Kabisang Resong ang lupa nito bago namatay. Sa pagtatanong ni Andres sa kanilang abogado, nalaman niyang maaari pa niyang habulin ang lupa at papagbayarin ng pinsala ang mga Grande.
Sa utos ni donya Leona, naigawa ng kasong administratibo si Bandong. Si Dislaw na karibal ni Bandong kay Pina at si Hepe Hugo ng pulisya ang nakalagda sa sumbong. Nang dumating ang pasukan, isang bagong prinsipal, si Mr. Danyos, ang dumating sa Sampilong.
Noon sinagot ni Pina si Bandong. Pinagtangkaang halayin ni Dislaw si Pina. Mabuti na lamang at dumalaw si Bandong na kung hindi naawat ng mga dumalo ay baka napatay si Dislaw. Sa nangyari, pinaluwas ni donya Leona sa Maynila si Dislaw.
Isang gabi, lihim na ipinahakot ni donya Leona sa mga trak ang mga palay niya sa kamalig at ipinaluwas sa Maynila upang ipagbili sa intsik doon. Isang umaga nagisnan na lamang ng Sampilong na nasusunong ang kamalig ng mga Grande. Ibinintang ang pagkasunog ng kamalig sa mga pinuno ng unyon ng mga magsasaka at sa mga pinuno ng koopertiba ng mga eskuwater. Salamat na lamang at ang mayordoma sa bahay ng mga Grande, si Iska, ay nagalit kay Kosme na mangingibig niya at siyang inutusan ng donya na sumunog sa kamalig, dahil sa hindi siya ang isinama ni Kosme sa Maynila kundi si Cely na kapatid ni Dislaw. Ipinagtapat ni Iska kay Sedes na asawa ni Andres ang lihim at ipinagtapat naman ni Sedes kay Bandong.
Nahuli si Kosme at umamin sa kasalanan. Isinugod pa ni Andres ang paghahabol sa hukuman sa lupa niyang kinamkam ng mga Grande. Dahilan sa kahihiyang tinamo, hinakot ng mga grande sa Maynila ang mga kasangkapan at doon na nagpirmi. Sa Maynila , si Donya Leona ay nagkasakit ng alta presyon at nagging paralisado nang maatake. Si don Severo naman ay nagkasakit ng matinding insomya.
Samantala, napawalang saysay ang hablang administratibo laban kay Bandong at tiniyak ng Superintendente na siya ang ilalagay na prinsipal sa Sampilong sapagkat aalisin doon si Danyos dahil sa hindi makasundo ng mga guro at ng mga magulang ng mga bata.
Namanhikan si Bandong kay Pina at may hiwatig na siya ay ikakandidato sa pagka-alkalde ng kanyang mga kanayon sa susunod na halalan.

Tungkol Sa May akda:

Si Amado Vera Hernández (Setyembre 13, 1903Marso 24, 1970) ay isang makata at manunulat sa wikang Tagalog. Kilala rin siya bilang "Manunulat ng mga Manggagawa", sapagkat isa siyang pinuno ng mga Pilipinong manggagawa at sa kaniyang mga pagpuna at pagsusuri sa mga kawalan ng katarungang naganap sa Pilipinas noong kaniyang kapanahunan. Nakulong siya dahil sa pakikipagugnayan niya sa mga kilusang makakomunista. Siya ang punong tauhan sa isang bukod-tanging kasong panghukuman na tumagal ng 13 taon bago nagwakas. Ipinanganak siya sa Hagonoy, Bulacan, ngunit lumaki sa Tondo, Maynila kung saan nakapag-aral siya sa Mataas na Paaralan ng Maynila at sa Amerikanong Paaralan ng Pakikipag-ugnayan (American Correspondence School). Noong 1932, napangasawa niya ang Pilipinong aktres na si Atang de la Rama. Ang mag-asawa ay kapwa kinilala bilang mga Pambansang Alagad ng Sining si Hernandez para sa Panitikan, samantalang si de la Rama para sa Tanghalan, Sayaw at Tugtugin. Noong 1973, tatlong taon mula nang sumakabilang buhay si Hernandez, ginawaran si “Ka Amado” ng titulong Pambansang Alagad ng Sining. Bagama’t matagal-tagal na rin mula nang pumanaw ang manunulat, patuloy na umaalingawngaw sa mga paaralan at sa mga rali sa lansangan ang kanyang matulaing pagkamakabayan, lalo na ang mga salita ng tulang "Kung Tuyo na ang Luha Mo, Aking Bayan."


Pagsusuri gamit ang pagdulog Humanismo

Kwento ni Mabuti

Genoveva Edroza-Matute

Hindi ko na siya nakikita ngayon. Ngunit sinasabi nilang naroon pa siya sa dating pinagtuturuan, sa luma at walang pintang paaralang una kong kinakitaan sa kanya. Sa isa sa mga lumang silid sa ikalawang palapag, sa itaas ng lumang hagdang umiingit sa bawat hakbang, doon sa kung manunungawa’y matatanaw ang maitim na tubig ng isang estero, naroroon pa siya’t nagtuturo
ng mga kaalamang pang-aklat – at bumubuhay ng isang uri ng karunungang sa kanya ko lamang natutuhan.
Lagi ko siyang inuugnay sa kariktan ng buhay. Saan mang may kagandahan; sa isang tanawin,  sa isang isipan o sa isang tunog kaya, nakikita ko siya at ako’y lumiligaya. Ngunit walang ano mang maganda sa kanyang anyo at sa kanyang buhay.
Siya ay isa sa pinakakaraniwang guro roon. Walang sino mang nag-ukol sa kanya ng pansin. Mula sa kanyang pananamit hanggang sa paraan ng pagdadala niya ng mga pananagutan sa paaralan, walang masasabing ano mang di-pangkaraniwan sa kanya.
Siya’y tinatawag naming lahat na si Mabuti kung siya’y nakatalikod.
Ang salitang iyon ang bukambibig niya. Iyon ang pumapalit sa mga salitang hindi niya maalala kung
minsan, at nagiging pamuno sa mga sandali ng pag-aalanganin. Ang isang paraang hindi malirip, iyon ay nagiging salaminan ng uri ng paniniwala niya sa buhay.
“Mabuti,” ang sabi niya, “…ngayo’y magsisimula tayo sa araling ito. Mabuti nama’t umabot tayo sa bahaging ito… Mabuti… mabuti!”
Hindi ako kailanman magtatapat sa kanya ng ano man kundi lamang nahuli niya ako minsang lumuha:nang hapong iyo’y iniluluha ng bata kong puso ang isang pambata ring suliranin.
Noo’y magtatakipsilim na at maliban sa pabugsu-bugsong hiyawan ng mga nagsisipanood sa pagsasanay ng mga manlalaro ng paaralan, ang buong paligid ay tahimik na. Sa isang tagong sulok ng silid-aklatan, pinilit kong sulatin ang aking suliranin sa pagluha. Doon niya ako natagpuan.
“Mabuti’t may tao rito,” ang wika niyang ikinukubli ang pag-aagam-agam sa tinig. “Tila may suliranin ka… mabuti sana kung makakatulong ako”.
Ibig kong tumakas sa kanya at huwag nang bumalik pa kailanman. Sa bata kong kahihiyan at kaabaan ang pagkikita pa naming muli sa hinaharap, pagkikitang magbabalik sa gunita ng hapong iyon. Ngunit hindi ako nakakilos sa sinabi niya pagkatapos. Napatda ako at napaupong bigla sa katapat na luklukan.
“Hindi ko alam na may tao rin dito… naparito ako upang umiyak din.”
Hindi ako nakapangusap sa katapatang naulinigan ko sa kanyang tinig. Nakababa ang kanyang paningin sa aking kandungan. Mayamaya pa’y nakita ko na ang bahagyang ngiti sa kanyang labi.
Tinanganan niya ang aking kamay at narinig ko na lamang ang tinig ko sa pagtatapat ng suliraning sa palagay ko noo’y siya nang pinakamabigat. Nakinig siya sa akin, at ngayon, sa paglingon sa pangyayaring ito’y nagtataka ako kung paanong napigil niya ang paghalakhak sa ganoong kamusmos na bagay. Ngunit siya’y nakinig nang buong pagkaunawa, at alam kong ang pagmamalasakit niya’y tunay na matapat.
Lumabas kaming magkasabay sa paaralan. Ang panulukang naghihiwalay sa amin ay natatanaw na nang bigla akong makaalala.
“Siyanga pala, Ma’am, kayo? Kayo nga pala? Ano ho iyong ipinunta ninyo sa sulok na iyon na….. iniiyakan ko?”
Tumawa siya ng marahan at inulit ang mga salitang iyon: “ang sulok na iyon na………iniyakan natin…nating dalawa.” Nawala ang marahang halakhak sa kanyang tinig “Sana’y masasabi ko sa iyo, ngunit… ang suliranin ko’y hindi pa ra sa mga bata pang gaya mo. Mabuti sana’y hindi maging iyo ang ganoong uri ng suliranin… kailanman. Ang ibig kong sabihi’y maging higit na mabuti sana sa iyo ang…. buhay.”

Si Mabuti’y naging isang bagong nilikha sa akin mula ng araw na iyon. Sa pagsasalita niya mula sa hapag, nagtatanong, sumasagot, sa pangiti niya ng mabagal at mahihiyain niyang mga ngiti sa amin, sa paglalim ng kunot sa noo niya sa kanyang pagkayamot, narinig kong muli ang mga yabag na papalapit sa sulok na iyon ng silid-aklatan. Ang sulok na iyon na…… “iniiyakan natin,” ang sabi niya ng hapong iyon. At habang tumataginting sa silid namin ang kanyang tinig sa pagtuturo’y hinuhulaan ko ang dahilan ng pagtungo niya sa sulok na iyon ng silid-aklatan. Hinuhulaan ko kung nagtutungo pa siya roon, sa sulok na iyon… naming dalawa.
At sapagkat natuklasan ko ang katotohanang iyo tungkol sa kanya, nagsimula akong magmasid, maghintay ng mga bakas ng kapaitan sa kanyang sinasabi. Ngunit sa tuwina, kasayahan, pananalig, pag-asa, ang taglay niya sa aming silid-aralan. Pinuno niya ng maririkit na guniguni ang aming isipan at ng mga kaaya-ayang tunog ang aming pandinig at natutuhan naming unti-unti ang kagandahan ng buhay. Bawat aralin namin sa panitikan ay naging isang pagtighaw sa kauhawan naming sa kagandahan. At ako’y humanga.
Wala iyon doon kangina, ang masasabi ko sa sarili pagkatapos na maipadama niya sa amin ang kagandahan ng buhay sa aming aralin. At hindi naging akin ang pagtuklas na ito sa kariktan kundi pagkatapos na lamang ng pangyayaring iyon sa silid-aklatan.
Ang pananalig niya sa kalooban ng Maykapal, sa sangkatauhan, sa lahat na, ay isa sa pinakamatibay sa aking nakilala. Nakasasaling ng damdamin. Marahil ang pananalig niyang iyon ang nagpakita sa kanya ng kagandahan sa mga bagay na karaniwan lamang sa amin. Iyon marahil ang nagpataginting sa kanyang tinig sa pagbibigay-kahulugan sa mga bagay na para sa ami’y walang kabuluhan.
Hindi siya bumanggit ng ano man tungkol sa kanyang sarili sa buong panahon ng pag-aaral namin sa kanya. Ngunit bumanggit siya tungkol sa kanyang anak na babae, sa tangi niyang anak… nang paulit-ulit. Hindi rin siya bumanggit sa amin kailan man tungkol sa ama ng batang iyon. Ngunit dalawa sa mga kamag-aral namin ang nakababatid na siya’y hindi balo.
Walang pag-aalinlangan ang lahat ng maririkit niyang pangarap ay nakapaligid sa batang iyon. Isinalaysay niya sa amin ang katabilan niyon, ang palaki nang palaking mga pangarap niyon, ang nabubuong layunin niyon sa buhay. Minsan, tila hindi namamalayang nakapagpahayag ang aming guro ng isang pangamba: ang pagkatakot niyang baka siya hindi umabot sa matatayog na pangarap ng kanyang anak. Maliban sa kanyang anak ay isa lamang sa mga bagay na “pinagtitiisang’ pakinggan sapagkat walang paraang maiwasan iyon. Sa akin, ang bawat pagbanggit na iyo’y
nagkaroon ng bagong kahulugan sapagkat noon pa ma’y nabubuo na sa aking isipan ang isang hinala.
Sa kanyang mga pagsasalaysay ay nalaman namin ang tungkol sa kaarawan ng kanyang anak, ang bagong kasuotan niyong may malaking lasong pula sa baywang, ang mga kaibigan niyong mga bata rin, ang kanilang mga handog.  Ang anak niya’y anim na taong gulang na. Sa susunod na tao’y magsisimula na iyong mag-aral. At ibig ng guro naming maging manggagamot ang kanyang anak-at isang mabuting manggagamot. Nasa bahaging iyon ang pagsasalita ang aming guro nang ang isa sa mga batang lalaki sa aking likuran ay bumubulong: “Gaya ng kanyang ama!”
Narinig ng aming guro ang sinabing iyon ng batang lalaki: At siya’y nagsalita.
“Oo gaya nga ng kanyang ama,” ang wika niya. Ngunit tumakas ang dugo sa kanyang mukha
habang sumisilay ang isang pilit na ngiti sa kanyang labi.
Iyon ang una at huling pagbanggit sa aming klase tungkol sa ama ng batang may kaarawan. Natiyak ko noong may isang bagay ngang nalisya sa buhay niya. Nalisya nang ganoon na lamang. At habang nakaupo ako sa aking luklukan, may dalawang dipa lamang ang layo sa kanya upang tanganan ang kanyang mga kamay gaya ng ginawa niya nang hapong iyon sa sulok ng silidaklatan, at hilinging magbukas ng dibdib, sa akin. Marahil makagagaan sa kaniyang damdamin kung may mapagtatapatan siyang tao lamang. Ngunit ang sumupil sa pagnanasa kong yaon: ang mga kamag-aral kong nakikinig nang walang ano mang malasakit sa kanyang sinabi, “Oo, gaya nga ng kanyang ama,” habang tumatakas ang dugo sa kanyang mukha.
Pagkatapos may sinabi siyang hindi ko malilimutan kailan man. Tiningnan niya akong buong tapang na pinipigil ang panginginig ng mga labi at sinabi ang ganito: “Mabuti….mabuti!” Gaya ng sasabihin nitong si Fe – iyon lamang nakararanas ng lihim na kalungkutan ang maaring makakilala ng mga lihim na kaligayahan. Mabuti at ngayon, magsisimula tayo sa ating aralin…”
Natiyak ko noon, gaya ng pagkakatiyak ko ngayon, na hindi akin ang pangungusap na iyon, ni sa aking mga pagsasalita, ni sa aking pagsusulat. Ngunit samantalang nakatitig siya sa akin ng umagang iyon, habang sinasabi niya ang pangungusap na iyon, nadama kong siya at ako ay iisa. At kami ay bahagi ng mga nilalang na sapagkat nakakaranas ng lihim na kalungkutan ay nakakikilala ng mga lihim na kaligayahan….
At minsan pa, ng umagang iyon, habang unti-unting bumabalik ang dating kulay sa kanyang mukha, muli niyang ipinamalas sa amin ang mga natatagong kagandahan sa aralin namin sa Panitikan: ang kariktan ng katapangan, ang kariktan ng pagpapatuloy ano man ang kulay ng buhay.
At ngayon, ilang araw lamang ang nakaraan buhat ng mabalitaan ko ang tungkol sa pagpanaw ng manggagamot na iyon. Ang ama ng batang iyong marahil ay magiging isang manggagamot din balang araw, ay namatay may ilang araw lamang ngayon ang nakakalipas. Namatay at naburol ng dalawang araw at dalawang gabi sa isang bahay na hindi siyang tinitirhan ni Mabuti at ng kanyang anak. At naunawaan ko ang lahat. Sa hubad na katotohanang niyon at sa buong kalupitan niyo’y naunawaan ko ang lahat…


Pagpapahiwatig ang isang matingkad na katangian ng mga kuwento ni Genoveva Edroza Matute. Karaniwang magtutuon siya sa isa o dalawang tauhan, at sa mga tauhang ito ay lalaruin niya ang banghay at gusot ng kuwento. Ang pingas o puntos ng tauhan ay maaaring nasa kapasiyahan nito, at hindi dahil sa taglay na personal at panlabas na anyo. Sa mga matagumpay niyang kuwento, ang mga tauhan ay pumupukol ng mabibilis na salitaan, o nagsasalita sa guniguni, at ang mga kataga ay waring makapaglalagos sa kalooban ng mambabasa.  Sumasabay din ang mga kuwento ni Aling Bebang, palayaw ni Matute, sa mga kasalukuyang pangyayari na kung minsan ay nakalulugod at kung minsan ay nakaiinis, at kung ano man ang epekto nito sa mambabasa’y mauugat sa lalim ng pagkaunawa ng manunulat sa kaniyang pinapaksa.
Si Aling Bebang, ayon sa talambuhay na sinulat ni Gregorio C. Borlaza, ay bunso sa labindalawang magkakapatid, at supling nina Anastacio B. Edrosa at Maria Magdalena K. Dizon. Siyam ang namatay sa kaniyang mga kapatid, at karamihan ay wala pang isang taon ang itinagal sanhi ng pagkakasakit. Lumaki siya sa Tayuman-Oroquieta, malapit sa karerahan ng kabayo sa San Lazaro. Hindi naglaon ay nakitira siya sa kaniyang ale—na kapatid ng kaniyang ama—doon sa Felix Huertas, Maynila hanggang makatapos ng elementarya. Nag-aral siya sa Santa Clara Primary School (na magiging Gomez Elementary School) at Magdalena Elementary School, pagkaraan ay sa Manila North High School (na Arellano High School ngayon), nagkolehiyo sa Philippine Normal School (na Philippine Normal University ngayon), hanggang matapos ang masterado sa Filipino at doktorado sa edukasyon sa Unibersidad ng Santo Tomas.
Kontrobersiyal ang buhay ni Aling Bebang dahil malinaw ang kaniyang paninindigan sa pagsusulong wikang pambansa. Ang ganitong tindig ay maaaring sanhi ng kaniyang masaklap na karanasan noong nasa elementarya, na inilakip ni Borlaza sa talambuhay ni Aling Bebang:
Mabuti naman at mababait ang mga guro sa mga paaralang pinasukan ni Bebang, bagaman ang guro niya sa Unang Baitang ay may kakatuwang pamamalakad. Bawal na bawal noon ang pagsasalita ng Tagalog. Ang kanyang guro ay may malalim na bulsa sa saya (baro’t saya pa ang kasuotan ng mga gurong babae noon), na may lamang siling labuyo. Kapag may nahuli siyang mag-aaral na nagsasalita ng Tagalog ay dumudukot siya ng sili at pilit na ipinangunguya sa pobreng “nagkasala.” Sinasabitan din ng kartong may ganitong nakasulat: I was caught speaking the dialect.
Ang palakad na ito ay laganap noon sa buong Pilipinas. Hindi lamang Tagalog kundi lahat ng wikang pansarili ng iba’t ibang rehiyon ay ipinagbawal. Ito ay nanatili hanggang maging malaya na ang Pilipinas. Mabuti ang hangarin—upang matulungan ang mga mag-aaral na madaling matuto ng Ingles—subalit masama ang naging epekto sa damdaming makabansa ng mga Pilipino. Maliit pa siya’y naiisip na: “Biglang naipit sa desk ang paa ko. Siyempre, masasabi ko ang Aray! Ang lagay ba, iisipin ko muna ang tawag doon sa Ingles, at pagkatapos ng mahahabang sandali ay saka pa ako dadaing ng Ouch!”- www. wikipedia.com





Ano ang Panitikan?

PANITIKAN/TEKSTONG LITERARI
Ang tunay na Panitikan ay ang pagpapahayag ng kaisipan, damdamin, karanasan, at pangarap ng sangkatauhan na nasusulat sa isang masining o malikhaing paraan sa pamamagitan ng isang aestetikong anyo at kinapapalooban ng pandaigdigang kaisipan at dahil nasusulat matitiyak ang kawalang maliw nito.
URI NG PANITIKAN
Uri ng Panitikan ayon sa Pagsasalin
  1. Panitikang Pasalin-dila
  2. Panitikang Pasulat
Uri ng Panitikan ayon sa Anyo
  1. Prosa/Tuluyan
  2. Patula
TEORYA-Pormulasyon ng paglilinaw ng mga simulain ng mga tiyak na kaisipan upang makalikha ng malinaw at sistematikong paraan ng paglalarawan o pagpapaliwanag dito.
TEORYANG PAMPANITIKAN-Isang sistema ng mga kaisipan at kahalagahan ng pag-aaral na naglalarawan sa tungkulin ng panitikan, kabilang ang layunin ng may-akda sa pagsulat at layunin ng tekstong panitikan/literari na ating binabasa.
MGA TEORYANG PAMPANITIKAN
Imahismo (Imagery) Ang malikhaing panitikan ay may layuning maghatid ng kaalaman, tuminag, humimok at humikayat sa mga mambabasa. Gumagamit ito ng larawang diwa at mga sagisag, nagpapasidhi ng mga damdaming bahagi ng pang-araw-araw na pamumuhay gaya ng pag-ibig, paghihiganti, pagpapatawad atbp. Sa panitikang malikhain ay binibigyan tayo ng isang pangitaing lalong dakila, dagdag na karunungan at ginigising tayo sa laong malalim na pag-iisip.
Romantesismo Sentimentalismo at ideyalismo ang pinaiiral. Pinahahalagahan ang damdamin kaysa sa mga ideyang siyentipiko. Ipinababatid ng tao ang katotohanan, kabutihan at kagandahan. Narito ang ilang katangian ng akdang romantiko; a.) ang pagiging subhektibo ng manunulat o indibidwalismo sa estilo. b.) Matindi ang paniniwala sa Diyos. c.) Ang pag-ibig sa kalikasan na pagkakilanlan ng Maykapal, ang taong malapit sa Diyos ay malapit sa kalikasan.
Humanismo Naniniwala ang teoryang ito na ang Diyos sy mabuti kaya ang taong nilikha nito ay mabuti rin. Nagpapahalaga ang teoryang ito sa kalikasan ng tao at ng kanyang pagtataglay ng kwalidad. Nagbibigay ng pangunahing halaga sa tao na siyang sentro ng daidig, ang sukatan ng bagay at ang panginoon ng kanyang kapalaran. Ang tao at ang kanyang mga saloobin at damdamin ang nagiging pangunahing paksa dito.  Pinahahalagan ang kalayaan at isipan ang ganap na kakayahan ng mga tao at kalikasan.
Klasismo Paggamit ng estilo o aestetikong prisipyo ng mga Griyego ao Romanong klasikong sining at literatura. Ipinapakita ang sangkap na intelektwal at senswal na sining. Nangingibabaw ang matuwid o katwiran. Matipid ito sa paggamit ng mga salita kaya sa pagpapahayag ng damdamin ay maingat sapagkat pinaniniwalaan na hindi marangal ang labis na pagkaemosyunal. Sa pananaw at panlasang aristokratiko ng klasismo, ipinapalayag na ang tanyag at dakilang mga pangyayaring pangkasaysayan na kinasasangkutan ng mga bayani at bantog na tauhan lamang ang nararapat na paksain ng literatura.
Realismo Mas maganda ang katotohanan kaysa kagadahan. Hangad nito ang makatotohanang paglalahad at paglalarawan. Pinatutunayan ng teoryang ito na  ang pagbabago ay walang hangganan. Optimisko ang pananalig na ang tao ay lalaya  sa pagkalugmok sa mga suliranin.
Pormalistiko/ Formalismo  Ito ay naayon sa porma o kaanyuan  ng isang akda na may kasiningan. Ang porma ay kadalasang binubuo ng imahe, sukat, tugma atbp. Dapat magkaugnay ang mga elemento ng isang akda upang ito ay maging mahusay. Tunguhin ng teoryang ito ay matukoy ang nilalaman, kaanyuan o kayarian at paraan ng pagkasulat ng akda.
Naturalismo Masinop na paghanap ng kaugnayan ng kapaligiran sa kasiningan ng akda. Binibigyang pansin sa teoryang ito ang  mga saloobin, damdamin, kilos at gawi ng karalitaan.Nilalayon ding alamin ng teoryang ito ang  mahahalagang detalye na  may kinalaman sa siklo ng pangyayari sa karakter, ang pakikipagsapalaran upang mabuhay at ang kaugnayan ng kapaligiran sa pakikipagsapalaran.
Dekonstruksyon Pagpapakita ng maraming layer ng kahulugan. Realidad o Pilosopiya ang pinaguukulan ng pansin. Isang tinitingnan ay ang lumulutang na kamalayan sa loob ng isang akda. Ito dapat ang maging gabay. Ang kamalayan ng sumulat ay iba sa kamalayan ng mga mambabasa sapagkat habang sinusulat ang teksto ang kamalayan nito ay nasa manunulat, ngunit kapag nasa kamay ng ng mambabasa ang akda, ang kahulugan nito ay nasa kanila na. Ang pinakamahalagang punto ay ang pagkakaroon ng teorya ng realidad ngunit may sinusunod na pagsusuri. Ang pananaw mo ay iba sa pananaw ng iba. Ang mga salita ay may iba’t-ibang layer ng kahulugan.
Eksistensyalismo Malaya ang tao, walang maaring umako sa buhay ng may buhay, wala siyang kinalaman sa kanyang pagkasilang. Nasa tao ang desisyon kung papaano nya gugugulin ang kanyang buhay, indibidwal ang tao, lahat ay magkakaiba.Walang makakapagsabi kung ano ang tama o mali. Walang ibang kasangkot sa buhay niya kundi ang kanyang sarili. Ang pinakakaibang katangian ng sangkatauhan ay ang kakayahan nitong pumili.
Bayograpikal Ang isang akda ay sinusuri bilang repleksyon ng buhay ng may-akda. Ang pag-aaral ng talambuhay ng may-akda ay nakakapagpadali sa pag-unawa sa kanyang akda.
Feminismo Sa pananaw na ito ang mga manunulat na babae o panig sa mga babae at ang kakayahan ng mga babae bilang tao  ang binibigyang pansin.
Markismo Sa pagdulog na ito ay mahalagang bigyang pansin ang mga bahaging nagpapakita ng  paglalaban ng malakas at mahina, gayundin ang kung papaano nagapi ng mahina ang malakas.
Sosyolohismo Pagsusuri ng akda batay sa kalagayang panlipunan at mga katauhang nagingibabaw sa isang lipunan. Sa paggamit ng teoryang ito ay nararapat na suriin ang akda batay sa lipunang pinagmulan nito at hindi sa lipunan ng sumusuri sa akda.
Arketaypal Nangangailangan ng masusing pag-aaral sa isang akda sapagkat isinasa-alang-alang dito ang pagbibigay kahulugan sa mga simbolismo ng akda. Ang pananaw na ito ay pagtingin sa panitikan na nakasalig ng malaki sa buong kultura, kaalamang sikolohikal, kasaysayan, antropolohiya, moral at pilosopiya.
Sikolohismo  naginging mabisa kapag ang isang tauhan ay nakikipagtunggali sa kanyang sarili. Tinitingnan dito kung   ang aksyon ng tauhan  ay itinutulak ng kanyang natatagong kamalayan (Subconscious mind)
Queer Kung may feminismo na nagbibigay pansin sa kababaihan, ang teoryang ito naman ay nagbibigay pansin sa homosekswalidad.
Historikal  Ang layunin ng panitikan ay ipakita ang karanasan ng isang lipi ng tao na siyang masasalamin sa kasaysayan au bahagi ng kanyang pagkahubog. Nais din nitong ipakita na ang kasaysayan ay bahagi ng buhay ng tao at ng mundo. Kultural  Ang layunin ng panitikan ay ipakilala ang kultura ng may-akda sa mga hindi nakakaalam. Ibinabahagi ng may-akda ang mga kaugalian, paniniwala at tradisyon minana at ipasa sa mga sunod na salinlahi. Ipinakikita rin dito na bawat lipi ay natatangi.
Moralistiko Ang layunin ng panitikan ay ilahad ang iba’t ibang pamantayang sumusukat sa moralidad ng isang tao – ang pamantayan ng tama at mali. Inilalahad din nito ang mga pilosopiya o proposisyong nagsasaad sa pagkatama o kamalian ng isang kilos o ugali ayon sa pamantayang itinakda ng lipunan. Sa madaling sabi, ang moralidad ay napagkakasunduan ayon na rin sa kaantasan nito.



PAGSULAT NG KOMPOSISYON
-maituturing na pinakapayak na paraan ng pagsulat.

MGA DAPAT ISAALANG-ALANG SA PAGSULAT NG KOMPOSISYON:
Paksa  Mahalaga ang paksa o tema sa isang akdang susulatin sapagkat kung wala ito walang susulatin, ito ang nagsisilbing buhay ng isang komposisyon. Saan makukuha ang paksa? Ito ay nasa paligid lamang, kailangan lamang maging mapagmasid abuhay ang pandama ng taong nais sumulat.
Pamagat Lahat ng akda ay may pamagat, papaano ba ito nililikha narito ang ilang mungkahi ; a.Ang pamagat ay maaring pinakadiwa ng komposisyon, b.Pinakamahalagang bagay sa komposisyon, b.Maari ding gamitin ang lugar o tagpuan ng komposisyon at d. Mula sa pangalan ng pangunahing tauhan o mahalagang tauhan.
Pagsisimula Kadalasang sa simula tinutukoy ang pinakapaksa ng komposisyon, may layunin din itong gamiting panawag pansin,narito ang ilang mungkahi;a. Paggamit ng sipi,b. Pagtatanong,c. Paggamit ng makatawag pansing pangungsap,d.Pambungad na pagsasalaysay, e. Mga petsa o bahagi ng kasaysayan,f.Ilahad ang suliraning papaksain,g. Maari ding gumamit ng salitaan o dayalogo at h. paggamit ng kawikaan o salawikain.
Pagwawakas Ito ang huling binabasa ng mga mambabasa at nakikintal sa kanilang mga isipan. Dahil dito maaring ulitin o buurin sa wakas ang mahalagang kaisipang tinalakay sa akda. Narito ang ilang paraan; a. Pagbibigay ng buod ng paksa,b.Pag-iwan ng isang tanong, c.Mag-iwan ng hamon, d. Maaring gimawa ng panghuhula, f. Magwakas sa angkop na sipi, g. Maaring sariwain ang suliraning binanggit sa simula

IBA’T-IBANG KLASIPIKASYON NG AKDANG PAMPANITIKAN

SANAYSAY- Isang uri ng paglalahad,na bukod sa pagpapaliwanag ay kinapapalooban ito ng  sariling palagay at kuro-kuro ng may-akda hinggil sa kanyang paksa. Ayon kay Alejandro Abadilla, and “Sanaysay” ay hango sa parilalang “sanay ng salaysay” sapagkat dito inihahayag ng sumulat pagkat dito inihahayag ng sumulat ang sarili niyang karanasan.
MGA URI NG SANAYSAY
MALAYA O DI PORMAL/IMPORMAL  Isang uri ng sanaysay na may pagkamalapit sa mga mambabasa sapagkat nasususlat ito na parang nakikipag-usap lamang ang may-akda sa kanyang mambabasa. Kadalasang ang malayang sanaysay ay di na gaanong sinaliksik sapagkat karaniwan ito ay ukol sa mga sariling karanasan at mga kuro-kuro o palagay.
MAANYO O PORMAL  Ang paglalahad ay maingat, maayos at mabisa. Pinipiling mabuti ang mga salita at ang mga pahayag ay pinag-uukulan ng masusing pag-aaral o pananaliksik.

TULA- masining na pagpapahayag ng kaisipan at damdamin. Ito ay sinusukat ng maingat at piling-pili ang mga salita.
MGA ELEMENTO NG TULA
  1. Tugma- ito ang pagkakasintunog ng huling pantig sa hulihan ng mga taludtod ng saknong.
  2. Sukat- bilang ng pantig sa bawat taludtod, maaeing wawaluhin, lalabindalawahin, lalabinganimin at lalabingwaluhin.
  3. Talinhaga- taglay nito ang pahayag na may natatagong kahulugan. Gumagamit ito ng tayutay.
  4. Kariktan- Ito ang kagandahang taglay ng tula. Nakaaakit ang magaganda at mga piling salita  gayundin din ang maayos na pagpapahayag ng kaisipan at damdamin. Ito ang siyang nakakapukaw sa mga mambabasa.




MAIKLING KATHA O MAIKLING KWENTO- Sangay ng isang salaysay na may isang kakintalan. Taglay nito ang isang madulang bahagi ng buhay na tinatalakay, may isang pangunahing tauhan na may mahalagang suliranin at ng iba pang kaunting tauhan, may mahalagang tagpuan, mabilis ang takbo ng mga pangyayari na pataan ang kawilihan hanggang sa kasukdulan na agad ding sinusundan ng wakas.
SANGKAP NG ISANG MAIKLING KWENTO
  1. Tauhan- siya ang taong akala mo ay buhay na likha ng awtor sa pamamagitan ng panulat. Sila ang mga kumikilos sa kwento.
  2. Tagpuan- ito ang pook o lugar at oras na pinangyayarihan ng kwento na itinakda ng may akda. Ito’y ginagawa ng awtor na maging makatotohanan upang ang daigdig na inilalarawan niya sa imahinasyon ng mambabasa ay lubos na matanggap.
  3. Banghay- ito ang kawing-kawing na mga pangyayari na sa sandaling makalas ay wakas na ang kwento. Ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari ay pasidhi ng pasidhi hanggang maabot ang tuktok ng kaigtingan na tinatawag na kasukdulan.
  4. Tunggalian- sa takbo ng mga pangyayari, ito ang nagbibigay ng mga kapanabikan kaya nagpapatuloy ang pagtunghay sa kwento ang mambabasa. Maaring ang tunggalian ay tao sa tao, tao laban sa hayop, tao laban sa kalikasan, atbp.
  5. Kasukdulan- Ito ang rurok ng mga tunggalian na wai ay hindi na makahinga ang mambabasa sa matinding kapana-panabik ba pangyayari sa kwento.
  6. Wakas- Ang katapusan ng mga pangyayari sa nagdaang kasaukdulan.
DULA- Isang uri ng kwento na itinatanghal sa entablado o teatro. Nailalarawan ng isang dula ang mga pangyayari sa pamamagitan ng mga dayalog.
SANGKAP NG ISANG DULA
  1. Banghay- pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari sa dula, nahahati ito sa yugto at tagpo.
  2. Tauhan- Mga tagatanghal ng mga pangyayaring nais ilantad ng kwento, mga nagsisiganap sa dula.
  3. Kaisipan- ang syang kabuuan ng dula naiiwan sa isipan ng sinumang manonood, ito ang produkto ng banghay at ng tauhan.
  4. Ang dakilang palabas o Spectacle- ang mga bagay-bagay na nakikita ng mga manonood sa tanghalan. Kabilang dito ang mga kagamitan at tanawin sa tanghalan, ilaw, kasuotan, blocking at musika, tunog atbp.
NOBELA- Isang mahabang kwento na nagsasalaysay ng anumang bagay, kabuuan man o isang bahagi na isinulat upang makapagpalugod sa mga mambabasa. Hinahati ang nobela sa mga kabanata dahil sa kahabaan nito.
TUNGGALIAN- Isa sa mahalagang sangkap ng nobela na nagpapaigting ng pananabik sa mga mambabasa. Nagaganap ang tunggalian matapos maganap ang suliranin sa isa sa mga tauhan.
URI NG TUNGGALIAN
  1. Tao laban sa Tao
  2. Tao laban sa kanyang Sarili
  3. Tao laban sa Lipunan
  4. Tao laban sa kanyang Kalikasan
  5. Tao laban sa Hayop