Saturday, July 9, 2011

De Kahong Isipan




Makitid pa sa tingting,
Ang iyong isipan
Mababaw ka pa;
Mahirap paliwanagan.

Nakakapikon kadalasan,
Ang iyong de kahong isipan

Ang mga radikal,
Sa iyo ay mga hangal
Pilit ikinukulong;
Inaalisan ng dangal


Paano ka mamahalin,
Paano ka susundin
Kung utos mo,
Iyo ring baliin?

Nakakapikon kadalasan,
Ang iyong de kahong isipan

Saan nga ba hahantong
Ang lason sa iyong sarong?
Kailan mabubuksan,
Isipan mo sa kalawakan?

Ang Puno ng Molave



Masayahin silang lahat, karamihan paborito ng mga guro,marami ang mga kilala sa paaralan dahil sa kanilang mga husay at talino, ngunit di sila ang section one…sila lamang ay katulad ng ibang pangkat…Dito ko unang naramdaman ang pagiging guro ko…ang kaligayahan at kasawian ng pagiging isang tagapayo…kaligayahan sapagkat marami akong natatanggap na papuri sa kapwa ko mga guro dahil sa kanila, kasawian dahil nawalan ako ng isang mag-aaral dahil sa isang trahedhya…hanggang ngayon ay di ko pa rin maiwaksi sa isip ko ang mga katagang ”Sana may ginawa ako upang matulungan sya…” alam ko nang may problema sya ngunit di ko gaanong pinansin…siguro ay dahil ayokong makialam pag usapang pampamilya na ang tintukoy…Nagwakas ang taon na masaya ang lahat…nakapagtapos na sila ngayon ng hayskul at marahil ay nag-aaral na ang karamihan sa kolehiyo…iba-iba na ang landas na kanilang tinahak pero para sa akin buong puso kong babalikan ang silid aralan kung saan ang kalokohan, tawanan at tampuhan ay nabigyang buhay ng mga naunang mga Molave…

Akala ko ay di na mauulit ang mga ganoong mga pangyayari sapagkat ng ikalawang taon ng pagiging guro ko ay wala na akong advisory class, ngunit sa biro ng tadhana marahil ay nagkaroon muli…naibalik sa akin ang Molave…Akala ko ay iba sila sa mga dating Molave, pero halos pareho ang naging komento ng mga guro nila sa akin…pawang mga positibo lahat,masarap kasama ang mga ikalawang Molave, parang lahat ay isang malaking pamilya, madalas ay sama-sama sa hirap at ginhawa,pasaway man minsan ay iniintindi ko na lamang…Di ko naramdaman na iba ako sa kanila…naramdaman ko na hindi lamang ako isang tagapayo kundi isang kaibigan…Natapos na rin ang tao nila,di ko na rin sila kasama ngunit sa tuwing nakikita nila ako, ngiti at biro ang isinusukli nila…Mamimiss ko sila kagaya ng mga nauna pag nakatapos na sila…

Sa ikalawang pagkakataon sa pagsisimula ng taon ay walang ibinigay na advisory class sa akin ngunit dahil nanaman sa mapaglarong tadhana ay nagbalik muli ang Molave sa akin…Hindi ko pa alam ang mga dapat kong asahan sa kanila, ngunit para sa akin ay kung ano man ang kanilang ipapakita ay sapat na para sa akin…Sapat na para idagdag ko sila sa isang pamilya na nabuo na sa dagling panahon…Maaring ang kanilang mga karatig na puno nag-iba na ng pangalan ngunit sa akin ang Molave ay Molave pa rin... hanggang sa matapos ang katapusan…Mahusay sila sa maraming bagay, di ko maitatanggi na taletado ang halos lahat ng aking mga naging advisory class, malambing ang mga huling Molave, naramdaman ko na proud ako na maging bahagi ng buhay nila...Sila ang huling Molave, maaring magkaroon pang muli ng mga Molave. ngunit di ko ipagpapalit ang tatlong punla na ngayon ay nagmistula nang malaking puno...

Litanya ni Maetrong tangkad


Guro…ano nga ba ang pagiging isang guro? Marami ang nagsasabi na mahirap daw ang maging isang teacher, yun lamang ang mga sabi-sabi ng mga taong kulang ang tiwala sa sarili…o kaya yung mga taong kumuha ng kursong pagiging guro dahil wala na silang mapiling iba…Yun bang mga nagnanais na itaas ang propesyon kahit alam naman nila na napakadali lang namang maging guro…Sa apat na taon ng pag-aaral ko upang maging guro, wala naman akong naramdamamng hirap, siguro dahil sa positibo ang aking pananaw sa buhay…Hindi ko alintana na halos igapang na ng aking mga magulang ang aking pag-aaral,papasok pa rin ako sa aking kolehiyo nang nakangiti at puno ng sigla…

Malamang kung kayo ay taga-Munoz, Nueva Ecija ay nakita nyo na ako…o kaya ay napansin na pagala-gala sa palengke…Sino ba naman ang di makakapansin sa akin, sa taas kong 6’5” ay marahil mahirap na ialis ang paningin ng ninoman sa akin pag ako ay nakita. Kahit alam kong kinukutya ako ng ilan sa aking likuran, hinaharap ko pa rin ang mundo na nakangiti, ang tao nga naman kasi gusto palagi ay napapabilang sa pangkat, pag iba ka na, tampulan ka na ng tukso. Lumakas ang paniniwala ko tuloy na espesyal ako, na hindi naman nagkataon lang kung bakit ako nilikhang ganito,may misyon ako na dapat gampanan sa mundong ito.

I never look back on something just to reminisce but instead I look back to understand things…Hindi ko ugali ang alalahanin ang nakaraan dahil gusto kong buhayin ang nakalipas bagkus ay inaalala ko ito dahil may gusto akong maintindihan…Minsan nang ako ay walang magawa sa aking silid ay ako ay matamang nag-isip…Bakit nga ba ako naging isang guro, sa tangkad kong ito madali akong makakapag-aral ng basketball o volleyball at maging isang player…pero bakit guro ang pinili ko…gusto ko nga ba talaga ito? Binalikan ko ang mga pangyayari sa buhay ko, hindi naman ako matalino, may konti ding kapilyuhan, masama ang ugali paminsan-minsan, papaano ko nga ba naisipang maging isang modelo ng kabataan, o mas matindi pa, maging kanilang tagahubog? Binalikan ko ang isang bahagi ng buhay ko kung saan may sinalihan akong patimpalak noong nasa Highschool ako, nakita ako ng isa sa mga naging guro ko noong elementarya pa ako at nasabi nyang proud sya sa akin…Mula sa araw na yon ang dating pangarap kong maging inhinyero ay nagbago, napalitan ng pagiging guro…parang gusto kong madama yung naramdaman nung guro ko na iyon…Ang maging bahagi ka ng pagkatao ng isang indibidwal, maging bahagi ka ng kanilang tagumpay at kabiguan…yung ganoong pakiramdam para sa akin, ang pinakamasarap na pakiramdam bukod pa sa umibig…

Naging guro na ako ngayon sa isang pampublikong paaralan sa gitna ng kabukiran… Malayo sa aking tinitirhan,may kamahalan ang pamasahe na kung susumahin ay halos ikaapat na na bahagi ng aking sweldo. Marami ang nagtatanong bakit pa ba ako nagtyatyaga sa ganoon kalayong lugar? Simple lang ang tugon ko…I want a fresh start…I want to start from scratch…Ang paaralang pinanggalingan ko ay may reputasyon na, kilala na kaya ayoko na doon, mas gusto ko na magsimula sa pinaka-ugat, isang bagong paaralan na nababagay lamang para sa akin kasi kailan man di naging makaluma ang aking isip, laging bago…

Kinaiinisan ng aking prinsipal sa ngayon ang ugali kong ito, madalas kasi ay sarado ang kanyang isip sa pagbabago, gusto nya ang mga taong nag-iisip lamang sa loob ng isang kahon…isang bagay na di ko matiis…Di ako taong de kahon kaya madalas napapagalitan ako… Makabago at radikal ang mga pamamaraan ko sa pagtuturo kaya kung minsan ay ikinagugulat ng mga sarado ang isip…

Filipino ang aking asignatura, sa mga nagmamagaling ipinamumukha nilang mahirap ang asignaturang ito, pero para sa akin ito ay kasing dali lamang ng ating paghinga…Mga bagay na praktikal ang aking itinuturo,kung ikaw ay konserbatibo at naligaw ka sa aking klase ay baka magtakip ka ng iyong tenga dahil deretso ang aking bibig walang paligoy-ligoy…Bawat leksyon ay tinatalakay ko lamang ng labinglimamng minuto o mas konti pa…magkwekwentuhan na kami upang maubos ang oras…Natatawa ang mga mag-aaral ko pero ang di nila alam lahat ng kwento kong nakakatawa ay may kaugnayan lahat sa aralin, para bang nagpainom ako ng isang mapait na tableta sa bata na itinago ko sa tsokolate upang makain nya…Lagi kong ipinamumukha na lahat ng bagay ay simple lamang kung iyo itong pag-iisipan, itinuturo ko ang mabuhay ng walang kumplikasyon, ito kasi ang humaharang kahit sa sinuman upang magtagumpay.
Sa mga sinabi ko para bang ang galing kong guro ano? Hindi ko masasabi…sa mundong ito na ang batayan ng pagiging mahusay ay ang mga parangal at pakikisama, sa mundong ito na kagaya pa rin noon na itinuturing na kabaliwan ang pagiging radikal, di ko masasabing magaling ako…Ang sa akin lang ako ay ako, walang makakapagdikta noon…kung ano man ang makita nyo sa pamamaraan ko ay irespeto nyo ito.
Hindi ako tulad ng isang niluoy naluoy na dahong nalaglag sa sapa at nagpatianod na lamang, hangga’t maari ay pinipilit kong maiba…dahil iba ako…Matalino ba ako? Malikhain ba ako? Magaling ba ako? Sa totoo lang wala naman talagang mga taong magaling, matalino o malikhain…kaya lang sila tumatalino, gumagaling, o nagiging malikhain ay dahil sa tingin natin sa ating sarili na tayo ay hindi…na ang tingin natin ay mas angat sila…Gusto mo bang mabuhay sa anino ng kungsino habampanahon?
Guro, nararapat ba akong maging isang guro? Ako na noon ay nangopya din sa katabi nya noong may eksamen, ako na nangodiko din nang di nakapagrevyu ng aralin, ako? Nararapat nga ba akong maging isang guro…isang taong radikal ang isip at ayaw magpatianod sa agos ng karamihan…isang guro na sa pisikal na kaanyuan ay kakaiba…nararapat nga ba ako? Isa lang ang masasabi ko…Bakit naman hindi?