Saturday, June 22, 2013

Ano ang Panitikan?

PANITIKAN/TEKSTONG LITERARI
Ang tunay na Panitikan ay ang pagpapahayag ng kaisipan, damdamin, karanasan, at pangarap ng sangkatauhan na nasusulat sa isang masining o malikhaing paraan sa pamamagitan ng isang aestetikong anyo at kinapapalooban ng pandaigdigang kaisipan at dahil nasusulat matitiyak ang kawalang maliw nito.
URI NG PANITIKAN
Uri ng Panitikan ayon sa Pagsasalin
  1. Panitikang Pasalin-dila
  2. Panitikang Pasulat
Uri ng Panitikan ayon sa Anyo
  1. Prosa/Tuluyan
  2. Patula
TEORYA-Pormulasyon ng paglilinaw ng mga simulain ng mga tiyak na kaisipan upang makalikha ng malinaw at sistematikong paraan ng paglalarawan o pagpapaliwanag dito.
TEORYANG PAMPANITIKAN-Isang sistema ng mga kaisipan at kahalagahan ng pag-aaral na naglalarawan sa tungkulin ng panitikan, kabilang ang layunin ng may-akda sa pagsulat at layunin ng tekstong panitikan/literari na ating binabasa.
MGA TEORYANG PAMPANITIKAN
Imahismo (Imagery) Ang malikhaing panitikan ay may layuning maghatid ng kaalaman, tuminag, humimok at humikayat sa mga mambabasa. Gumagamit ito ng larawang diwa at mga sagisag, nagpapasidhi ng mga damdaming bahagi ng pang-araw-araw na pamumuhay gaya ng pag-ibig, paghihiganti, pagpapatawad atbp. Sa panitikang malikhain ay binibigyan tayo ng isang pangitaing lalong dakila, dagdag na karunungan at ginigising tayo sa laong malalim na pag-iisip.
Romantesismo Sentimentalismo at ideyalismo ang pinaiiral. Pinahahalagahan ang damdamin kaysa sa mga ideyang siyentipiko. Ipinababatid ng tao ang katotohanan, kabutihan at kagandahan. Narito ang ilang katangian ng akdang romantiko; a.) ang pagiging subhektibo ng manunulat o indibidwalismo sa estilo. b.) Matindi ang paniniwala sa Diyos. c.) Ang pag-ibig sa kalikasan na pagkakilanlan ng Maykapal, ang taong malapit sa Diyos ay malapit sa kalikasan.
Humanismo Naniniwala ang teoryang ito na ang Diyos sy mabuti kaya ang taong nilikha nito ay mabuti rin. Nagpapahalaga ang teoryang ito sa kalikasan ng tao at ng kanyang pagtataglay ng kwalidad. Nagbibigay ng pangunahing halaga sa tao na siyang sentro ng daidig, ang sukatan ng bagay at ang panginoon ng kanyang kapalaran. Ang tao at ang kanyang mga saloobin at damdamin ang nagiging pangunahing paksa dito.  Pinahahalagan ang kalayaan at isipan ang ganap na kakayahan ng mga tao at kalikasan.
Klasismo Paggamit ng estilo o aestetikong prisipyo ng mga Griyego ao Romanong klasikong sining at literatura. Ipinapakita ang sangkap na intelektwal at senswal na sining. Nangingibabaw ang matuwid o katwiran. Matipid ito sa paggamit ng mga salita kaya sa pagpapahayag ng damdamin ay maingat sapagkat pinaniniwalaan na hindi marangal ang labis na pagkaemosyunal. Sa pananaw at panlasang aristokratiko ng klasismo, ipinapalayag na ang tanyag at dakilang mga pangyayaring pangkasaysayan na kinasasangkutan ng mga bayani at bantog na tauhan lamang ang nararapat na paksain ng literatura.
Realismo Mas maganda ang katotohanan kaysa kagadahan. Hangad nito ang makatotohanang paglalahad at paglalarawan. Pinatutunayan ng teoryang ito na  ang pagbabago ay walang hangganan. Optimisko ang pananalig na ang tao ay lalaya  sa pagkalugmok sa mga suliranin.
Pormalistiko/ Formalismo  Ito ay naayon sa porma o kaanyuan  ng isang akda na may kasiningan. Ang porma ay kadalasang binubuo ng imahe, sukat, tugma atbp. Dapat magkaugnay ang mga elemento ng isang akda upang ito ay maging mahusay. Tunguhin ng teoryang ito ay matukoy ang nilalaman, kaanyuan o kayarian at paraan ng pagkasulat ng akda.
Naturalismo Masinop na paghanap ng kaugnayan ng kapaligiran sa kasiningan ng akda. Binibigyang pansin sa teoryang ito ang  mga saloobin, damdamin, kilos at gawi ng karalitaan.Nilalayon ding alamin ng teoryang ito ang  mahahalagang detalye na  may kinalaman sa siklo ng pangyayari sa karakter, ang pakikipagsapalaran upang mabuhay at ang kaugnayan ng kapaligiran sa pakikipagsapalaran.
Dekonstruksyon Pagpapakita ng maraming layer ng kahulugan. Realidad o Pilosopiya ang pinaguukulan ng pansin. Isang tinitingnan ay ang lumulutang na kamalayan sa loob ng isang akda. Ito dapat ang maging gabay. Ang kamalayan ng sumulat ay iba sa kamalayan ng mga mambabasa sapagkat habang sinusulat ang teksto ang kamalayan nito ay nasa manunulat, ngunit kapag nasa kamay ng ng mambabasa ang akda, ang kahulugan nito ay nasa kanila na. Ang pinakamahalagang punto ay ang pagkakaroon ng teorya ng realidad ngunit may sinusunod na pagsusuri. Ang pananaw mo ay iba sa pananaw ng iba. Ang mga salita ay may iba’t-ibang layer ng kahulugan.
Eksistensyalismo Malaya ang tao, walang maaring umako sa buhay ng may buhay, wala siyang kinalaman sa kanyang pagkasilang. Nasa tao ang desisyon kung papaano nya gugugulin ang kanyang buhay, indibidwal ang tao, lahat ay magkakaiba.Walang makakapagsabi kung ano ang tama o mali. Walang ibang kasangkot sa buhay niya kundi ang kanyang sarili. Ang pinakakaibang katangian ng sangkatauhan ay ang kakayahan nitong pumili.
Bayograpikal Ang isang akda ay sinusuri bilang repleksyon ng buhay ng may-akda. Ang pag-aaral ng talambuhay ng may-akda ay nakakapagpadali sa pag-unawa sa kanyang akda.
Feminismo Sa pananaw na ito ang mga manunulat na babae o panig sa mga babae at ang kakayahan ng mga babae bilang tao  ang binibigyang pansin.
Markismo Sa pagdulog na ito ay mahalagang bigyang pansin ang mga bahaging nagpapakita ng  paglalaban ng malakas at mahina, gayundin ang kung papaano nagapi ng mahina ang malakas.
Sosyolohismo Pagsusuri ng akda batay sa kalagayang panlipunan at mga katauhang nagingibabaw sa isang lipunan. Sa paggamit ng teoryang ito ay nararapat na suriin ang akda batay sa lipunang pinagmulan nito at hindi sa lipunan ng sumusuri sa akda.
Arketaypal Nangangailangan ng masusing pag-aaral sa isang akda sapagkat isinasa-alang-alang dito ang pagbibigay kahulugan sa mga simbolismo ng akda. Ang pananaw na ito ay pagtingin sa panitikan na nakasalig ng malaki sa buong kultura, kaalamang sikolohikal, kasaysayan, antropolohiya, moral at pilosopiya.
Sikolohismo  naginging mabisa kapag ang isang tauhan ay nakikipagtunggali sa kanyang sarili. Tinitingnan dito kung   ang aksyon ng tauhan  ay itinutulak ng kanyang natatagong kamalayan (Subconscious mind)
Queer Kung may feminismo na nagbibigay pansin sa kababaihan, ang teoryang ito naman ay nagbibigay pansin sa homosekswalidad.
Historikal  Ang layunin ng panitikan ay ipakita ang karanasan ng isang lipi ng tao na siyang masasalamin sa kasaysayan au bahagi ng kanyang pagkahubog. Nais din nitong ipakita na ang kasaysayan ay bahagi ng buhay ng tao at ng mundo. Kultural  Ang layunin ng panitikan ay ipakilala ang kultura ng may-akda sa mga hindi nakakaalam. Ibinabahagi ng may-akda ang mga kaugalian, paniniwala at tradisyon minana at ipasa sa mga sunod na salinlahi. Ipinakikita rin dito na bawat lipi ay natatangi.
Moralistiko Ang layunin ng panitikan ay ilahad ang iba’t ibang pamantayang sumusukat sa moralidad ng isang tao – ang pamantayan ng tama at mali. Inilalahad din nito ang mga pilosopiya o proposisyong nagsasaad sa pagkatama o kamalian ng isang kilos o ugali ayon sa pamantayang itinakda ng lipunan. Sa madaling sabi, ang moralidad ay napagkakasunduan ayon na rin sa kaantasan nito.



PAGSULAT NG KOMPOSISYON
-maituturing na pinakapayak na paraan ng pagsulat.

MGA DAPAT ISAALANG-ALANG SA PAGSULAT NG KOMPOSISYON:
Paksa  Mahalaga ang paksa o tema sa isang akdang susulatin sapagkat kung wala ito walang susulatin, ito ang nagsisilbing buhay ng isang komposisyon. Saan makukuha ang paksa? Ito ay nasa paligid lamang, kailangan lamang maging mapagmasid abuhay ang pandama ng taong nais sumulat.
Pamagat Lahat ng akda ay may pamagat, papaano ba ito nililikha narito ang ilang mungkahi ; a.Ang pamagat ay maaring pinakadiwa ng komposisyon, b.Pinakamahalagang bagay sa komposisyon, b.Maari ding gamitin ang lugar o tagpuan ng komposisyon at d. Mula sa pangalan ng pangunahing tauhan o mahalagang tauhan.
Pagsisimula Kadalasang sa simula tinutukoy ang pinakapaksa ng komposisyon, may layunin din itong gamiting panawag pansin,narito ang ilang mungkahi;a. Paggamit ng sipi,b. Pagtatanong,c. Paggamit ng makatawag pansing pangungsap,d.Pambungad na pagsasalaysay, e. Mga petsa o bahagi ng kasaysayan,f.Ilahad ang suliraning papaksain,g. Maari ding gumamit ng salitaan o dayalogo at h. paggamit ng kawikaan o salawikain.
Pagwawakas Ito ang huling binabasa ng mga mambabasa at nakikintal sa kanilang mga isipan. Dahil dito maaring ulitin o buurin sa wakas ang mahalagang kaisipang tinalakay sa akda. Narito ang ilang paraan; a. Pagbibigay ng buod ng paksa,b.Pag-iwan ng isang tanong, c.Mag-iwan ng hamon, d. Maaring gimawa ng panghuhula, f. Magwakas sa angkop na sipi, g. Maaring sariwain ang suliraning binanggit sa simula

IBA’T-IBANG KLASIPIKASYON NG AKDANG PAMPANITIKAN

SANAYSAY- Isang uri ng paglalahad,na bukod sa pagpapaliwanag ay kinapapalooban ito ng  sariling palagay at kuro-kuro ng may-akda hinggil sa kanyang paksa. Ayon kay Alejandro Abadilla, and “Sanaysay” ay hango sa parilalang “sanay ng salaysay” sapagkat dito inihahayag ng sumulat pagkat dito inihahayag ng sumulat ang sarili niyang karanasan.
MGA URI NG SANAYSAY
MALAYA O DI PORMAL/IMPORMAL  Isang uri ng sanaysay na may pagkamalapit sa mga mambabasa sapagkat nasususlat ito na parang nakikipag-usap lamang ang may-akda sa kanyang mambabasa. Kadalasang ang malayang sanaysay ay di na gaanong sinaliksik sapagkat karaniwan ito ay ukol sa mga sariling karanasan at mga kuro-kuro o palagay.
MAANYO O PORMAL  Ang paglalahad ay maingat, maayos at mabisa. Pinipiling mabuti ang mga salita at ang mga pahayag ay pinag-uukulan ng masusing pag-aaral o pananaliksik.

TULA- masining na pagpapahayag ng kaisipan at damdamin. Ito ay sinusukat ng maingat at piling-pili ang mga salita.
MGA ELEMENTO NG TULA
  1. Tugma- ito ang pagkakasintunog ng huling pantig sa hulihan ng mga taludtod ng saknong.
  2. Sukat- bilang ng pantig sa bawat taludtod, maaeing wawaluhin, lalabindalawahin, lalabinganimin at lalabingwaluhin.
  3. Talinhaga- taglay nito ang pahayag na may natatagong kahulugan. Gumagamit ito ng tayutay.
  4. Kariktan- Ito ang kagandahang taglay ng tula. Nakaaakit ang magaganda at mga piling salita  gayundin din ang maayos na pagpapahayag ng kaisipan at damdamin. Ito ang siyang nakakapukaw sa mga mambabasa.




MAIKLING KATHA O MAIKLING KWENTO- Sangay ng isang salaysay na may isang kakintalan. Taglay nito ang isang madulang bahagi ng buhay na tinatalakay, may isang pangunahing tauhan na may mahalagang suliranin at ng iba pang kaunting tauhan, may mahalagang tagpuan, mabilis ang takbo ng mga pangyayari na pataan ang kawilihan hanggang sa kasukdulan na agad ding sinusundan ng wakas.
SANGKAP NG ISANG MAIKLING KWENTO
  1. Tauhan- siya ang taong akala mo ay buhay na likha ng awtor sa pamamagitan ng panulat. Sila ang mga kumikilos sa kwento.
  2. Tagpuan- ito ang pook o lugar at oras na pinangyayarihan ng kwento na itinakda ng may akda. Ito’y ginagawa ng awtor na maging makatotohanan upang ang daigdig na inilalarawan niya sa imahinasyon ng mambabasa ay lubos na matanggap.
  3. Banghay- ito ang kawing-kawing na mga pangyayari na sa sandaling makalas ay wakas na ang kwento. Ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari ay pasidhi ng pasidhi hanggang maabot ang tuktok ng kaigtingan na tinatawag na kasukdulan.
  4. Tunggalian- sa takbo ng mga pangyayari, ito ang nagbibigay ng mga kapanabikan kaya nagpapatuloy ang pagtunghay sa kwento ang mambabasa. Maaring ang tunggalian ay tao sa tao, tao laban sa hayop, tao laban sa kalikasan, atbp.
  5. Kasukdulan- Ito ang rurok ng mga tunggalian na wai ay hindi na makahinga ang mambabasa sa matinding kapana-panabik ba pangyayari sa kwento.
  6. Wakas- Ang katapusan ng mga pangyayari sa nagdaang kasaukdulan.
DULA- Isang uri ng kwento na itinatanghal sa entablado o teatro. Nailalarawan ng isang dula ang mga pangyayari sa pamamagitan ng mga dayalog.
SANGKAP NG ISANG DULA
  1. Banghay- pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari sa dula, nahahati ito sa yugto at tagpo.
  2. Tauhan- Mga tagatanghal ng mga pangyayaring nais ilantad ng kwento, mga nagsisiganap sa dula.
  3. Kaisipan- ang syang kabuuan ng dula naiiwan sa isipan ng sinumang manonood, ito ang produkto ng banghay at ng tauhan.
  4. Ang dakilang palabas o Spectacle- ang mga bagay-bagay na nakikita ng mga manonood sa tanghalan. Kabilang dito ang mga kagamitan at tanawin sa tanghalan, ilaw, kasuotan, blocking at musika, tunog atbp.
NOBELA- Isang mahabang kwento na nagsasalaysay ng anumang bagay, kabuuan man o isang bahagi na isinulat upang makapagpalugod sa mga mambabasa. Hinahati ang nobela sa mga kabanata dahil sa kahabaan nito.
TUNGGALIAN- Isa sa mahalagang sangkap ng nobela na nagpapaigting ng pananabik sa mga mambabasa. Nagaganap ang tunggalian matapos maganap ang suliranin sa isa sa mga tauhan.
URI NG TUNGGALIAN
  1. Tao laban sa Tao
  2. Tao laban sa kanyang Sarili
  3. Tao laban sa Lipunan
  4. Tao laban sa kanyang Kalikasan
  5. Tao laban sa Hayop




1 comment: